Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang iniharap na motion for inhibition ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag laban sa mga piskal ng naturang ahensya ng gobyerno kaugnay sa pagdinig sa pamamaslang kay veteran journalist Percival "Percy Lapid" Mabasa.
Ito ang kinumpirma ni Prosecutor General Benedicto Malcontento sa isang radio interview nitong Miyerkules.
Sa ruling aniya ng DOJ, ibinasura ang mosyon ni Bantag dahil sa kakulangan ng merito.
Kaagad na itinakda ng DOJ ang susunod na pagdinig sa kaso sa Enero 24 ng hapon kung saan inaasahang magsusumite ng counter-affidavit ang grupo ni Bantag kaugnay sa kinakaharap nilang dalawang kaso ng murder dahil pagkakapaslang kina Lapid at umano'y "middleman" na si Cristito "Jun" Villamor.
Matatandaang pinagbabaril si Lapid habang papauwi sa BF Resort Village, Las Piñas City noong Oktubre 3 ng gabi.
Binawian naman ng buhay si Villamor habang nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) ilang oras matapos lumantad ang umaming pumatay kay Lapid na si Joel Escorial.
Sa kanyang paglantad, sinabi ni Escorial na si Villamor umano ang nag-utos sa grupo nito upang paslangin ang nasabing mamamahayag.