Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) panel of prosecutors nitong Martes ang kasong murder na inihain laban sa 17 pulis na sangkot sa tinawag na 'Bloody Sunday' massacre dulot ng pagpatay sa siyam na aktibista kabilang si labor leader Manny Asuncion noong taong 2021 sa CALABARZON.

Ayon sa DOJ, ibinasura ang kasong isinampa ng asawa ni Asuncion sa kadahilanang kulang umano ito ng matibay na ebidensya.

"We lament the demise of Emmanuel Asuncion. However, complainant and the evidence she submitted failed to discharge the obligation to prove the existence of a crime and identify the perpetrators," anang nakasaad sa 23 pahinang resolusyon ng DOJ.

Nilagdaan ang nasabing resolusyon nina Senior Assistant State Prosecutor Rodan Parrocha at Assistant State Prosecutor Moises Yao Acayan.

Binasura ang kaso laban sa mga sumusunod na opisyal ng mga pulis:

Lt. Elbert M. Santos

Lt. Shay Jed Sapitula

Senior Master Sgt.Hector R. Cardinales

Master Sgt.Ariel P. Dela Cruz

Staff Sgt. Jemark Sajul

Cpl. Ernie A. Ambuyoc

Cpl. Mark John A. Defiesta

Cpl. Arjay Garcia

Cpl. Caidar Dimacangun

Cpl. Bryan Sanchez

Cpl. Ericson Lucido

Pat. Jayson Maala

Pat. Juan Plite

Pat. Jonathan Tatel

Pat. Prince Benjamin Torres

Pat. Jaime Turingan

Pat. Lopera Rey PJ Dacara

Ibabalik ang kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) upang magsagawa ng karagdagang imbestigasyon para malaman ang pagkakakilanlan ng mga may sala sa krimen.

Matatandaang noong Marso 7, 2021, siyam na mga aktibista ang pinatay, habang anim ang inaresto sa magkakasunod na operasyon ng kapulisan at militar sa mga probinsya ng Batangas, Cavite, Laguna, at Rizal, na siyang tinawag na 'Bloody Sunday.’

Mary Joy Salcedo