Inihain ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Senate Bill No. 1639 na magbibigay ng scholarship sa mga estudyanteng nais kumuha ng abogasya.

Aamyendahan ng nasabing panukalang-batas ang Republic Act No. 7662 o ang Legal Education Reform Act of 1993 sa pamamagitan ng pagdagdag sa probisyon na layong bumuo ng Legal Scholarship and Return Service Program (LSRS).

Sa kaniyang acceptance speech sa awarding ng kaniyang Doctor of Laws degree, Honoris Causa sa Bulacan State University nitong Enero 12, binigyang-diin ni Villanueva ang kakulangan ng bilang ng mga abogado sa bansa na siyang layon namang solusyunan ng panukalang-batas.

“There is definitely a need for more public defenders in the country as we only have 2,500 Public Attorneys Office (PAO) lawyers and each lawyer handles 5,300 cases per year,” aniya.

Dagdag pa ni Villanueva, magiging katulad ng programang ito ang ‘Doktor Para sa Bayan Act’ na binuo sa ilalim ng Republic Act 11509, kung saan siya ang pangunahing may-akda at sponsor noong 18th Congress.

“We took inspiration in crafting this measure from our ‘Doktor para sa Bayan Act’ which provides scholarships to deserving students in state universities and colleges and partner private higher education institutions,” aniya.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1639, kasama sa LSRS ang mga sumusunod:

– Free Tuition at iba pang school fee;

– Allowance para sa mga kakailanganing libro;

– Clothing at uniform allowance;

– Allowance para sa dormitory o boarding house accommodation;

– Transportation allowance;

– Bar review fees, kasama ang Bar examination application fees;

– Annual medical insurance; at

– Iba pang education-related miscellaneous subsistence o living allowances.

Sinasabi rin ng panukalang-batas na ang bawat iskolar sa isang taon ay dapat magsilbi nang hindi bababa sa isang taon ng return of service sa Public Attorney's Office (PAO) o iba pang ahensya ng gobyernong nangangailangan ng abogado. Makatatanggap naman sila ng karampatang civil service rank, suweldo at benefits kapalit ng kanilang serbisyo.

Ayon kay Villanueva, umaasa siyang sa pamamagitan ng nasabing programa ay maraming mga estudyante pa ang mahihikayat na maging abogado para sa katotohanan at para ipagtanggol ang mga naaapi.

Mary Joy Salcedo