Iniulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes, na umaabot sa 4,704 pasyente ang napagkalooban nila ng mahigit sa P35.3 milyong halaga ng tulong medikal, sa ilalim ng kanilang Medical Access Program (MAP).
Batay sa abiso ng PCSO, nabatid na kabuuang P35,356,769.30 ang kabuuang halaga ng medical assistance ang naipagkaloob nila sa mga naturang pasyente mula Enero 9-13, 2023 lamang.
Ayon sa PCSO, sa National Capital Region (NCR), nasa 625 pasyente ang nakinabang sa P7,850,749 halaga ng medical assistance.
Sa Northern at Central Luzon naman, aabot sa 898 pasyente ang nabiyayaan ng kabuuang P7,595,607.25 tulong medikal habang sa Southern Tagalog at Bicol Region, kabuuang P7,440,747.98 ang naipagkaloob sa may 1,247 pasyente.
Sa Visayas, aabot sa P6,129,369.73 ang tulong medikal na naibigay sa 874 pasyente habang 1,060 pasyente naman mula sa Mindanao ang nakinabang sa P6,340,295.34 medical assistance.
Kaugnay nito, hinikayat muli ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Mel Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga PCSO games, dahil ang malaking bahagi aniya ng kinikita nila mula dito ay napupunta sa kanilang kawanggawa, pangunahin dito ang MAP.