Isang delivery rider ang nagsabi at nagpatotoong mabait, palangiti, at hindi isnabera si Choco Mucho volleyball star player Deanna Wong, na malayo umano sa mga naging birada rito kamakailan.

Ibinahagi ni Eduardo Batara, Jr., isang delivery rider, ang selfie nila ni Deanna na siya palang customer na nag-book ng kaniyang serbisyo. Makikita ang kaniyang post sa Facebook page na "Homepaslupa Buddies 3.0".

"Mabait naman siya ewan ko bakit di nagpa-pic sa inyo," ayon sa caption ni Eduardo.

Co-owner ng tour company sa El Nido, ipinagtanggol si Deanna Wong: 'Hindi siya snobbish!'

Deanna Wong at Eduardo Batara, Jr. (Larawan mula kay Eduardo Batara, Jr.)

Sa ngayon ay burado na raw ang post niya sa naturang FB page dahil nag-away-away ang mga netizeng imbyerna kay Deanna at mga tagahanga niya.

Mapalad na nakapanayam ng Balita Online si Batara at ibinahagi niya ang kaniyang engkuwentro kay Deanna.

"For me mukhang mabait naman siya. Ewan ko na lang sa iba. Noong na-pick up ko yung booking, akala ko nagkamali lang ako sa basa ng pangalan, noong tinanong ko yung nagpadala kung yung volleyball player yung mag-receive ayaw pa sabihin pero nang pagdating ko sa drop off area, nagulat na lang ako nang makita ko na siya nag-receive sa padala," salaysay ni Batara.

"Ngiting-ngiti nga siya kasi mabilis kong nadala sa kaniya yung gamit niya, need niya raw sa training."

"Napapanood ko na rin kasi 'yan noong college pa lang siya kaya kilala ko talaga and tapos nag-viral pa nga dahil doon sa pag snob daw. Eh member kasi kami ng sister ko sa Homepaslupa kaya siya nag-udyok na i-share yung pic doon sa group. Hindi ko naman inasahan na ganun karami yung maging reaction ng mga naroon," aniya pa.

Matatandaang naging isyu ang umano'y pang-iisnab ni Deanna sa isang nagpapa-picture na fan. Ipinagtanggol naman siya ng mga tagahanga niya, gayundin ang co-owner ng tour company na nag-asikaso sa kanila noong nagbakasyon sila sa El Nido, Palawan.