Ikinukonsidera nang ‘low’ ang seven-day COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) matapos na maitala na lamang ito sa 3.7% hanggang nitong Enero 14.

Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpositibo sa COVID-19, mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa pagsusuri.

Batay sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Group fellow, Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Lunes, nabatid na ito ay malaking pagbaba mula sa dating 5.8% na positivity rate na naitala sa NCR noong Enero 7.

Bukod sa NCR, sinabi rin ni David na nakapagtala rin sila ng “low” positivity rates o mas mababa sa 5%, sa may 10 pang lalawigan sa Luzon mula Enero 7 hanggang Enero 14.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kabilang dito ang Batangas (4.9% - 3.2%); Benguet (5.3% - 3.6%); Bulacan (3.5% - 2.3%); Cagayan (7.0% - 3.9%); Cavite (5.5% - 3.2%); Ilocos Norte (4.3% - 3.9%);Laguna (7.3% - 4.4%);Pampanga (5.5% - 2.6%); Pangasinan (4.3% - 3.9%);at Zambales (8.4% - 4.1%).

Nakapagtala rin naman nang pagbaba ng positivity rates ang mga lalawigan ng Albay (25.6% -7.7%); Bataan (6.3% - 6.1%); Camarines Sur (15.2% - 17.6%); Nueva Ecija (11.2% - 7.4%); Quezon (6.4% - 5.4%); at Rizal (10.9% - 9.4%).

Gayunman, iniulat ni David na ang Isabela ay nakapagtala nang pagtaas ng positivity rate na mula 35.1% ay naging 50.2%, na ikinukonsiderang ‘very high.’

Ang La Union naman ay nakitaan rin ng bahagyang pagtaas ng positivity rate na mula 5.5% ay naging 6.3%, gayundin ang Tarlac na mula 11.2% ay naging 12.5%.

“7-day Covid positivity rate in NCR decreased from 5.8% to 3.7% as of Jan 14, 2023, considered LOW. Low positivity rates also observed in ten other provinces in Luzon. Isabela positivity rate increased from 35.1% to 50.2%, considered Very High,” tweet pa ni David.

Samantala, iniulat rin naman ni David na bahagya ring bumaba at umabot na sa 4.0% na lamang ang nationwide COVID-19 positivity rate nitong Enero 15, 2023, mula sa dating 4.1% noong Enero 14, 2023.

Sa datos ng Department of Health (DOH), nabatid na nitong Enero 15, 2023, nakapagtala pa ng 279 bagong COVID-19 infections, sanhi upang umabot na sa 12,143 ang aktibong kaso ng sakit sa bansa.

Umakyat naman sa 65,590 ang COVID-19 death toll sa Pilipinas matapos na madagdagan ng 15 kaso.

Sa pagtaya ng OCTA Research, maaaring makapagtala pa ang bansa ng 150 hanggang 250 bagong kaso ng COVID-19 infections ngayong Lunes, Enero 16. 

“Jan 15 2023. DOH reported 279 new cases 15 deaths (0 in NCR) 466 recoveries 12143 active cases. 4.0% nationwide positivity rate. 96 cases in NCR. Projecting 150-250 new cases on 1.16.23,” tweet ni David.