Ipinagmalaki ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Lunes na lumalago ang kita ng lungsod kaya’t asahan na aniya ang pagkakaroon pa ng mas maraming proyekto ng lokal na pamahalaan.
Laking pasalamat rin naman ni Lacuna sa mga mamamayan dahil ang pagtaas aniya ng revenue ng lungsod ay isang indikasyon ng tiwala na ibinibigay ng mga ito sa kasalukuyang administrasyon ng lungsod.
“Batay sa datos na aking natanggap nitong mga nakaraang linggo ay patuloy pong nagtitiwala sa atin ang ating mga kababayan na may mga kalakal dito sa ating lungsod. Patuloy na tumataas ang ating revenues, isang bagay na dapat nating pasalamatan, dahil sa mga pumapasok na pondo sa atin, mas marami po tayong programa at proyektong magagawa,” ani Lacuna, sa regular na flag raising ceremony nitong Lunes.
Pinasalamatan rin ng alkalde ang lahat ng stakeholders pati na ang kanyang kapwa manggagawa, partikular si Vice Mayor Yul Servo-Nieto, mga city councilors, city officials dahil sa suportang ipinagkakaloob ng mga ito sa lahat ng mga programa na lungsod, na nagreresulta sa tagumpay ng mga ito.
Hindi kinalimutang banggitin at pasalamatan ng alkalde ang suporta ng pribadong sektor na hindi aniya napapagod sa pagbibigay ng tulong sa pamahalaang lungsod.
Tiniyak rin naman ni Lacuna na ibibigay niya ang lahat ng kanyang lakas upang mapagsilbihan ang mamamayan ng Maynila.
“Di po ako pupuwedeng maubusan ng lakas, dahil tayo po ay pinagkatiwalaan ng ating mga kapwa at ako po ay nagpapasalamat dahil lagi ko namang sinasabi di ko naman po kayang mag-isa. Andiyan po ang aking VM, Sangguniang Panglungsod, mga namumuno sa iba’t-ibang departamento at maging ang lahat ng ordinaryong kawani ng ating pamahalaan. Maraming, maraming salamat po sa inyo,” aniya.
Maging ang Manila Police District (MPD), sa ilalim ng pamumuno ng director nitong si PBGen. Andre Dizon, at ang lahat ng mga kaugnay na departamento ng lungsod, ay pinasalamatan rin ni Lacuna, dahil malaking tulong aniya ito sa mapayapang pagdaraos ng Pista ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan at ang idinaos na “Pagpupugay” sa Poon ng Itim na Nazareno kamakailan.