Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na bumaba ng 6% ang bilang ng COVID-19 na kanilang naitala sa bansa.

Sa National COVID-19 case bulletin ng DOH, nabatid na mula Enero 9 hanggang 15, nasa 2,934 na bagong kaso ng virus ang naitala sa bansa. 

"Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 419, mas mababa ng 6 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong Enero 2 hanggang 8," anang DOH.

Sa mga bagong kaso, isa ang may malubha at kritikal na karamdaman habang mayroon namang naitalang 116 na pumanaw, kung saan 14 ay naganap noong Enero 2 hanggang 15.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

"Noong ika-15 ng Enero 2023, mayroong 567 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19," anang DOH.

Sa 2,340 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 402 (17.2%) ang okupado habang 3,917(20.0%) ng 19,607 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.

Nabatid rin na higit sa 73 milyong indibidwal o 94.50% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 21 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots. 

Sa kabilang banda, 6.9 milyong senior citizens o 79.46% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.

"Pinapaalalalahan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster," ayon sa DOH.