Tumanggap ang Sta. Ana Hospital (SAH), sa ilalim ng pamumuno ng direktor nitong si Dr. Grace Padilla ng ‘5-Star Certificate of Level of Accessibility Award 2023.’
Labis namang ikinatuwa ni Manila Mayor Honey Lacuna ang nakuhang five-star award o 100 percent mark sa Accessibility Audit na ginawa ng United Architects of the Philippines (UAP) Quezon City Chapter, sa pakikipagtulungan ng Architects for Accessibility (AFA), kaya’t pinuri nito ang pagamutan, gayundin ang lahat ng mga namumuno dito.
Ipinagmamalaki ng alkalde nitong Linggo na tanging ang SAH ang unang local government hospital (LGU) sa bansa na matagumpay na nakapasa sa accessibility audit.
“This means that SAH is a friendly institution for persons with disabilities having 100 percent mark on the following structural accessibility features: ramp access, toilet access, parking slot, signages; non-skid flooring; entrance doors; corridors; handrails; tactile flooring; blinking lights, stairs elevators, and installation of PWD office/kiosk,” ayon pa sa alkalde.
Sa kanyang bahagi, pinasalamatan rin naman ni Padilla si Lacuna, ang UAP at ang AFA dahil sa espesyal na pagkilala.
Tiniyak niyang magsisilbi itong inspirasyon sa kanya at sa lahat ng nasa likod ng operasyon ng SAH, upang lalo pang pagbutihin ang kanilang serbisyo sa mga mamamayan.
Sinabi pa ni Padilla na ang kredito ay nauukol din sa lahat ng medical team at sa buo niyang kawani dahil sa kanilang dedikasyon at pagsisikap upang makahanap pa ng paraan para lalong mapagsilbihan ang lahat ng mga nanghihingi ng tulong medikal sa SAH.
Nabatid na ang team of auditors ay binubuo nina Arch. Grace M Quebral (Past President, UAP QC Chapter, and AFA; Arch. Elise Sophia Francisco-Tabong (Past President UAP QC Chapter and AFA); Arch. Justin Owen S. Francisco Pres. UAP QC Central and AFA at Arch. Enrico G. Abordo, Co-founder AFA Past President, UAP QC Central.
Ang sertipikasyon ay ipinagkaloob sa SAH noong Enero 5, 2023.