Nalugod ang puso ng mga netizen sa ipinakitang katapatan ng isang tindero ng mga isdang pang-aquarium matapos niyang ibalik ang nalaglag na cellphone sa tunay na may-ari nito, na naganap sa PHILCOA, Quezon City nitong Biyernes, Enero 13.

Ayon sa Facebook post ni "Leopoldo V. Geronimo Jr." mula sa Barangay Tungkong Mangga, San Jose Del Monte, Bulacan, pababa siya sa isang overpass nang mapag-alaman niyang nawawala na ang kaniyang cellphone matapos kapain ang kaniyang bulsa.

Bumalik siya sa kaniyang mga dinaanan upang hanapin ito subalit hindi na niya natagpuan. Maya-maya, nilapitan siya ng tinderong nakilala sa pangalang "Dennys Mahinay". Walang pag-aalinlangang ibinalik sa kaniya ang cellphone na napulot nito. Nalaglag pala mula sa kaniyang pagkakasukbit sa bulsa ang kaniyang mobile phone.

Narito ang buong post ni Leopoldo:

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

"Shout-out po kay Kuya DENNYS MAHINAY na nakapulot ng cellphone ko.. Pababa na po sana ako ng overpass sa may Philcoa ng dudukutin ko sana sa aking bulsa ang aking celphone, subalit nawawala pala ito… Tumalikod ako at babalikan ko sana ang aking dinaanan sabay ang sambit na 'Hala ang cellphone ko nawawala" na narinig pala ni Kuya at walang alinlangang ibinalik sa akin ang cellphone…"

"Maraming salamat po Kuya Dennys at pagpalain Nawa kayo ng ating Dakilang Lumikha…"

Screengrab mula sa FB ni Leopoldo Geronimo, Jr.

Bumuhos naman ang papuri ng mga netizen para kay Dennys.

"Good Samaritan!"

"Ay bait naman ni Kuya. Sa hirap ng buhay ngayon, siguro kung iba lang ang nakapulot niyan, wala na iyan."

"Mabait at tapat si Kuya. God bless sir!"

"Maraming salamat Denny's Mahinay pagpalain po kayo. Proud dapat maging tapat na po tayo!!"

"Great job, Kuya!"

"Great job Kuya Dennys you're a good example to us… GOD bless you more, guide and protect and your family always…"

Ayon sa ekslusibong panayam ng Balita Online kay Leopoldo, labis na nagagalak ang kaniyang puso dahil bukod sa nabalik sa kaniya ang cellphone, pinatunayan ni Kuya Dennys na may mga tao pa ring kagaya niya na may mabubuti at tapat na puso.

"Sobrang saya ko po ng mga sandaling iyon, kasi naisip ko kung tuluyang nawala ang celphone ko, bibili na naman ako ng bago at mababawasan ang ipon ko para sana sa mas mahalagang bagay," ani Geronimo.

"Kaya sobrang thankful po ako kay Kuya Dennys dahil personal kong karanasan na may mga tao pa palang katulad niya na hindi nag-atubiling ibalik ang hindi niya pag-aari."

Good job, Dennys!