Itinigil muna ng Department of Agriculture (DA) ang pagbebenta ng sibuyas na₱170 kada kilo sa mga Kadiwa store.
Paglilinaw ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, hinihintay pa nila ang liquidation at inventory report ng government-owned and controlled corporation na Food Terminal, Incorporated (FTI).
"The liquidation report from the FTI will be important to see how much of the funds were used and fund management as well. We also asked for a list of farmers and where they bought the onions, as well as the sales inventory, remaining stocks," pahayag ni Evangelista sa isinagawang pulong balitaan sa Quezon City nitong Sabado.
Kaugnay nito, nakikipag-usap na muli ang ahensya sa FTI upang makakuha ng mga sariwang sibuyas na ibebenta sa abot-kayang halaga sa mga Kadiwa store.
Nakasalalay aniya sa ilalatag nilang memorandum of agreement (MOA) sa FTI ang susunod na bugso ng pagbebenta ng murang sibuyas sa Kadiwa dahil ang nasabing ahensya ang bibili ng produkto.
Ang kinita aniya sa unang bugso ng programa ay pambili muli ng sibuyas na ibabagsak sa mga Kadiwa store.
Idinagdag pa ng opisyal na naglalaro pa rin mula₱600 hanggang₱700 ang kada kilo ng sibuyas sa mga pamilihan sa Metro Manila.