Magandang balita dahil isa na lamang mula sa kabuuang 72 bagon ang kailangang ma-overhaul ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Sa abiso ng MRT-3 nitong Sabado, nabatid na natapos nang maisailalim sa overhaul ng kanilang maintenance provider na Sumitomo-MHI-TESP, ang 71 bagon ng naturang rail line.
Anunsiyo pa ng MRT-3, sa kabuuan, 71 sa 72 bagon ng MRT-3 ang na-overhaul na at matagumpay na na-deploy sa mainline ang mga ito.
Kasama na anila rito ang pinakahuling isang bagon na na-overahul at na-deploy nitong Enero 7, 2023 lamang.
“71 sa 72 bagon ng MRT-3, tapos nang ma-overhaul! Isa (1) na lamang sa 72 bagon ng MRT-3 ang hinihintay na matapos ma-overhaul ng Sumitomo-MHI-TESP, ang maintenance provider ng MRT-3,” anang MRT-3.
Sinabi ng MRT-3 na bago i-deploy ang mga na-overhaul na bagon ay sumailalim muna ang mga ito sa serye ng quality at safety checks upang matiyak na ligtas ibiyahe sa mainline.
Paliwanag pa ng MRT-3, ang overhauling ng mga bagon ay bahagi ng kanilang maintenance program upang maibalik ang dating maayos na kondisyon ng mga ito.
Sa ngayon anila, nasa 14 train sets ang bumibiyahe sa linya, at umaabot naman hanggang 18 train sets ang tumatakbo tuwing peak hours. Ang isang train set ay binubuo ng tatlong bagon.
Tiniyak rin ng MRT-3 na patuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols sa buong linya, lalo na sa loob ng tren, upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Kabilang anila dito ang (1) laging pagsuot ng face mask, (2) pagbawal sa pagsasalita at pakikipag-usap sa telepono, (3) pagbawal na kumain at uminom, (3) pagpanatili ng maayos at sapat na ventilation sa mga PUV (5) laging pagsagawa ng disinfection, (6) pagbawal pagsakay ng mga pasaherong may sintomas ng COVID-19, at (7) pagsunod sa appropriate physical distancing.
Ang MRT-3 ay bumabaybay sa kahabaan ng EDSA mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City.