Mahigit sa ₱23.8 milyong halaga ng smuggled na asukal mula Hong Kong ang naharang ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP) sa Maynila kamakailan sa gitna ng pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa pagpupuslit ng produktong pang-agrikultura.
Sa Facebook post ng Bureau of Customs (BOC), ang nasabing kargamento ay idineklarang naglalaman ng insulators, surge arresters, slipper outsoles, at Styrene Butadiene rubber mula Hong Kong at naka-consign sa Burias Jang Consumer Goods Trading.
Gayunman, natuklasang naglalaman ito ng refined sugar matapos magsagawa ng physical examination ang mga tauhan ng BOC nitong Enero 11.
Kaugnay nito, ipinahayag ng BOC na naging epektibo ang pakikipagtulungan nila sa ibang ahensya ng pamahalaan sa paglaban sa pagpupuslit ng agricultural products sa bansa.
“Our targeted examinations and close work with the DA (Department of Agriculture) and their attached agencies yielded significant quantities of smuggled agricultural products these recent months and helped protect Philippines agriculture from the economic impact smuggling carries,” dagdag pa ng BOC.