Camp Olivas, San Fernando, Pampanga -- Arestado ang walong pinaghihinalaang drug peddlers at nasamsam naman ang P800K halaga ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na anti-illegal drug bust operations sa Nueva Ecija, Pampanga, at Zambales, ayon sa ulat nitong Sabado.
Sa Nueva Ecija, nagsagawa ang awtoridad na magkahiwalay na anti-illegal drug operations na nagresulta sa pagkaaresto nina Daniel Puyat, 48, residente ng Brgy. Cruz Roja, Cabanatuan City; Joseph Quejada, 40, residente ng Brgy. Cruz Roja, Cabanatuan City; at Francis Garcia, 29, ng Brgy. San Roque Norte, Cabanatuan City.
Nakumpiska sa kanila ang siyam na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachers na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 31.5 grams na nagkakahalagang P214,000, at P1000 marked money.
Sa Pampanga naman, naaresto ang isang high value individual na si Jojit Mayor alyas Jojit, 42, at Raffy Turla, 41.
Nakumpiska sa dalawa ang 10 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 68 grams na nagkakahalaga ng higit-kumulang P442,000, at P1000 marked money.
Habang sa Brgy. Calapacuan, Subic, Zambales, naaresto si Bryner Tiamsing alyas Ner, 22; Albert del Rosario alyas Allen, 33; Jay-Ar Ladon, 21, na lahat ay residente ng ngg naturang lugar.
Nakumpiska sa kanila ang limang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 17.1 grams na may street value na P116,280 at P500 marked money.