Nagbigay ng update ang may-ari ng 1,000-bill polymer banknote na si "Jonathan De Vera" tungkol sa kaniyang pera, sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Enero 11.
Sa isa pang Facebook post, ipinakita pa ni De Vera sa pamamagitan ng isang video kung bakit niya inilagay sa likod na bulsa ng kaniyang cargo pants ang kaniyang mga pera, pambayad sana ng kaniyang matrikula sa paaralan.
Aniya, mismong Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kumontak sa kaniya matapos mag-viral ang kaniyang post.
Matapos pumirma ng isang form, sisiyasatin at iimbestigahan daw muna ng BSP ang mga nangyari at saka magdedesisyon kung papalitan ang kaniyang pera. Pinuri pa ng may-ari ang BSP dahil sa mabilis na serbisyo ng kanilang pag-accommodate sa kaniya.
"Just a Heads up on the 1k bill. Dinala ko na po sa BSP Manila this morning. They accommodated me and am really impress with their service," aniya sa kaniyang FB post.
"Salamat po sa mga tauhan ng #BSP for welcoming me."
"Ang 1k bill ay dadalhin sa department na in-charge to examine sa Quezon City."
"They will contact me whenever the result is released. Hoping for the best."
"I am thankful for those who advised me and trying to help me. Hindi ko na kayo maisa-isa eh. I believe I did the best thing for the bill. For now, I will wait for the result from BSP," aniya.
Ayon pa kay De Vera, umaasa siyang mapapalitan pa ang pera, subalit kung hindi na, kukunin niya ito ulit at gagawing souvenir.
Ayon naman sa pamantayan ng BSP, ang anumang perang nasira ay puwede pang mapalitan kung 60% ng nawasak na pera ay buo at malinaw pa, kung saan makikita pa ang lagda ng Pangulo o BSP Governor, at may security thread pa. Kasama pa sa sisiyasatin kung sadya o aksidente lang ang pagkakasira nito.