All-set na nga ang pagbabalik-telebisyon ni Vhong Navarro bilang host ng Kapamilya noontime show na “It’s Showtime,” pagbabahagi ng co-host at kaibigang si Vice Ganda ngayong Biyernes.
Sentro nga sa opening ng programa ang pampasuwerte sa buhay ng kaniya-kaniyang host, paaran anila ng pagtaboy sa pinaniniwalaang masamang dala ng magkatapat na petsang 13 at araw na Biyernes.
Matapos kaniya-kaniyang magbahagi ang bawat isa sa mga positibong pampasuwerte, isang malalim na reyalisasyon naman ang ibinahagi ng “Unkabogable Star” ukol sa "ngarag" moments, o hindi magandang karanasan sa buhay ng isang tao.
“The moment comes na narealize natin, sasabihin natin, ‘Ay, kaya ko pala ‘yon pinagdaanan. Kahit pala pinagdaanan ko na ‘yan noon, ‘yung bigat at sakit, ang suwerte ko pa rin,’” ani Meme.
“After all of these experiences, they make us into stronger and bolder people,” segunda ng kapwa host na si Anne Curtis.
Sunod namang nagpahiwatig na si Vice kaugnay ng hinihintay nang pagbabalik ni Vhong Navarro sa It’s Showtime.
"May kausap nga ako kaninang madaling araw. Sabi ko, ‘Bitbitin mo yang excitement mo. Sa sobrang mabibigat ng pinagdaanan mo last year, ang pinakamaganda namang kasama niyan eh sinamahan ka, kinampihan ka at pinaniwalaan ka ng madlang pipol. Kaya bitbitin mo ang excitement mo, pagbalik mo sa Lunes,” ani Vice na malinaw namang pinatutungkulang si Vhong.
Noong Disyembre 2022 nang payagang makapagpiyansa si Vhong para sa pansamantalang kalayaan nito kaugnay ng kasong rape na isinampa ng modelong si Deniece Cornejo.
Sa huli, hindi rin nakalimutan na pasalamatan din ni Vice Ganda ang madlang people na naging “sandalan” aniya ng buong It’s Showtime family.
“Hangga’t may madlang people tayong sinasandalan, hindi tayo matitibag. Thank you very much, madlang people. All these years kayo ang sandalan namin. Salamat din at kahit paano paminsan-minsan, kami ang pinipili niyong sandalan para kuhanan ng saya, tawa, inspirasyon at pag-asa. We feel so lucky everyday when we are with each other,” pagtatapos ng host.