Sinuspindi ng Land Transportation Office (LTO) ang operasyon ng 12 private emission testing centers (PETCs) dahil sa umano'y pamemeke ng emission results.

Sa pahayag ni LTO Intelligence and Investigation Division (IID) Officer-in-Charge Renan Melintante nitong Biyernes, nabisto nila ang 12 na PETC matapos na i-upload sa LTOimage repository database server (IRDS) ang resulta ng pinekeng emission test.

“Mahigpit na pinagbabawalan ang mga PETC na mag-upload sa LTO IRDS ng peke, binago, o minanipulang webcam na kuhang larawan ng sasakyan at technician upang palabasin na sumalang sa inspeksyon ang sasakyang ipinarerehistro," sabi ng opisyal.

Nagpalabas na rin ng show cause order ang LTO laban sa IT providers ng mga nasabing PETC upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat ipawalang-saysay ang kanilang accreditation dahil sa pagiging kasabwat sa krimen.

"Kung ganito na pinalulusot dahil sa bayad na non-appearance inspection, napaka-delikadong magdulot ito ng aksidente at malagay sa panganib, hindi lang ang drayber at pasahero kundi ng iba pang mga taong nasa lansangan," pahayag naman ni LTO chief Jose Arturo Tugade.

Philippine News Agency