Ikinalungkot muli ng fans ng Callalily ang pormal nang pamamaalam ng dating mga miyembro sa orihinal na 2006 pop-rock band matapos mapaulat na bitbitin ito ng kanilang dating bokalista na si Kean Cipriano.

Ito ang mababasa sa kanilang Facebook page, Huwebes, kasunod ng pormal na registration ng bagong banda, ang "Lily," sa Intellectual Property Office of the Philippines.

“Paalam na Calla, welcome Lily. Sure na kaming kasama na lahat ng name ng members sa registration naming,😇” tila may pasaring na saad sa Facebook post ng banda.

Matatandaan noong Hunyo 2022 nang ibahagi ni Kean ang pag-alis niya sa grupo, bagay na kalauna’y napag-alamang kasama rito ang “Callalily” bilang intellectual property niya.

Musika at Kanta

Martin Nievera, may madamdaming mensahe kay Sofronio Vasquez

Basahin: Kean Cipriano, bumitaw na sa bandang Callalily; pangalan ng banda, binitbit din – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Halos kalahating taon ang nakalipas, tila umusad naman agad ang mga naiwang miyembro at noong 2022 nga ay nakahanap sila ng bagong bokalista para sa binuong banda.

Basahin: Pinakabagong bokalista ng ‘LILY,’ dating ‘X-Factor UK’ contestant, ‘Rak of Aegis’ cast – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Noon ngang Disyembre 19, opisyal nang kinilala ng IPOPHL ang bandang “The Lily.”

“Salamat sa lahat ng naiwan at naniwala. Di namin kayo bibiguin pero di na talaga mababago yung croptop na suot ni Joshua, ✌️😜” anang "Lily" band.

“Parang jowa na long term tapos need niyo na maghiwalay. Masakit pero kailangan nang mag move-on,” dagdag nito.

Agad naman bumuhos ang pagbati ng mga tagasuporta sa sa anila'y "good start" ng grupo. Gayunpaman, ilan din ang hindi naiwasang malungkot sa balita.

“Jusme, nagpakagutom ako before para lang bumili ng megahits na may cover ng callalily, nakipagsiksikan pa ko at nagtiis ng puyat para mapanood kayo sa people's night dito sa laguna maghiwalay lang pala kayo,” komento ng isang fan na masaya naman aniya sa bagong simula ng banda.

Babalikan ang Callalily na unang napakinggan noong 2006 ang nasa likod ng mga pop rock OPM hits na “Magbalik,” “Susundan,” bukod sa iba pa.