Iminungkahi ng isang senador sa Department of Agriculture (DA) ang pagtatatag ng mas maraming Kadiwa center upang mailapit pa ang mga produktong pang-agrikultura sa mga mamimili.
“Ang paglikha ng mas maraming farm-to-market retail centers, tulad ng Kadiwa, ay inaasahan nating magbibigay ng kapangyarihan sa mga magsasaka dahil mapapabuti nito ang antas ng kanilang productivity. Inaasahan natin na magsisilbi itong motivation na pagbutihin ang kanilang pagsasaka na nangangahulugan ng mas mataas na kita para sa kanila at mas mababang presyo ng pagkain para sa mga mamimili," paliwanag ni Senator Sherwin Gatchalian.
Isa aniya ang Valencia City sa nabiyayaan ng Kadiwa store.
Nanawagan din ito sa pamahalaan na palawigin pa ang pagbibigay ng mga subsidiya tulad ng Fuel Discount for Farmers and Fisherfolk Program (FDFFP).
Layunin ng subsidiya na matulungan ang sektor ng agrikultura na maiangat ang produksyon ng pagkain sa kabila ng hamon ng mataas na presyo ng petrolyo, ayon pa sa senador.