NUEVA VIZCAYA -- Arestado ang 69-anyos na lalaki matapos nitong barilin ang isang aso sa Purok Bergonia, Brgy. Bintawan Sur, Villaverde noong Enero 10.
Nirespondehan ng mga tauhan ng Villaverde Police ang pamamaril at komosyon kung saan may bitbit na aso ang isang mag-asawa na may tama ng bala sa leeg at ibinunyag na binaril ito sa kanilang compound.
Nakita sa malayo ng may-ari ng aso na si Rico Duragos, 57, na dalawang beses na binaril ng suspek na si Marlowe Crisostomo ang kanilang aso gamit ang mahabang baril.
Nang puntahan ng mga pulis ang suspek sa bahay nito, itinanggi umano nito ang paratang at hindi isinuko ang kaniyang baril.
Gayunman, makalipas ang ilang minuto ay nakita at narekober ni Police Staff Sergeant De Guzman ang umano'y mahabang baril na nakalagay sa tabi ng puno ng mangga na malapit sa bahay ng suspek.
Ang baril ay isang Squires Bingham Model caliber .22.
Dinala na sa PNP station ang suspek kasama ang narekober na baril.
Kinasuhan na siya sa provincial prosecutor's office para sa Violation of Animal Cruelty (RA 8485) at illegal possession of firearm (RA 10591), ayon kay Staff Sergeant Paul John Aquino, imbestigador ng kaso.
"Inalalayan pang mabuti ng mga may ari ng aso na pakainin ito para mabuhay. Nakabaon pa sa panga ng aso ang bala na tumama dito," sabi ng pulis sa Manila Bulletin.