Bumaba pa sa 5% na lamang ang 7-day Covid-19 positivity rate na naitala ng independiyenteng OCTA Research Group sa National Capital Region (NCR).

Base sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Huwebes, nabatid na hanggang Enero 10, 2023 ay bumaba pa sa 5% ang Covid-19 positivity rate sa NCR, mula sa dating 7.9% na naitala noong Enero 3.

Ayon kay David, ang huling pagkakataon na nakapagtala ang rehiyon ng positivity rate na mas mababa sa 5% ay noon pang Hunyo 22, 2022 sa outset ng tatlong Covid-19 waves.

"NCR 7-day positivity rate for Covid decreased to 5% as of Jan 10 2023, from 7.9% on Jan 3. The last time the positivity rate was below 5% was on Jun 22 2022 at the outset of three Covid waves in NCR," tweet pa ni David.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kasabay nito, iniulat rin ni David na bagamat bumaba na ang positivity rates ng karamihan sa mga lugar sa bansa, may ilang lugar pa ring nakitaan ng pagtaas ng positivity rates mula Enero 7, 2023 hanggang Enero 10, 2023.

Kabilang dito ang Isabela, na mula 35.1% ay naging 62.3% COVID-19 positivity rates; Oriental Mindoro na mula 16.3% ay naging 38.5% at Palawan na mula 22.6% ay naging 25.3% ang positivity rates.

"While positivity rates decreased in most of the country, it increased in Isabela (35.1% to 62.3%), Oriental Mindoro (16.3% to 38.5%) and Palawan (22.6% to 25.3%) indicating significant levels of infection in those provinces," ani David.

Una na ring iniulat ni David nitong Miyerkules na noong Enero 11, 2023, ang nationwide positivity rate ng Covid-19 ay bahagyang tumaas sa 4.5% mula sa dating 4.2% lamang noong Enero 10.

Nakapagtala rin aniya ang Department of Health (DOH) ng 481 bagong kaso ng sakit sa bansa; 247 bagong recoveries at 11 pasyente na namatay dahil sa sakit, kabilang ang apat na naitala sa NCR.

Ang aktibong kaso naman ng Covid-19 sa bansa ay nasa 11,975 na lamang.

Sa pagtaya ng OCTA, maaaring  makapagtala pa ang bansa ng 450-550 mga bagong kaso ng sakit ngayong Enero 12, 2023.