Kinubra na ng isang negosyante na mula sa Sto. Domingo, Nueva Ecija ang napanalunan niyang mahigit sa ₱114 milyong jackpot prize ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) MegaLotto 6/45.

Sa isang pahayag ng PCSO nitong Huwebes, nabatid na Enero 3 nang magtungo sa kanilang main office sa Mandaluyong City ang lucky winner upang kubrahin ang napanalunang jackpot prize na ₱114,327,454.00 sa Mega Lotto 6/45 na binola noong Disyembre 23, 2022.

Ibinunyag ng bagong lotto millionaire na may 15 taon na siyang mananaya ng lotto at ang kanyang winning combination ay binubuo ng kanyang mga paboritong numero.

Lubos naman ang pasalamat ng lotto winner sa Panginoon dahil sa kanyang pagkapanalo.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“Lubos akong nagpapasalamat sa PCSO at sa Panginoon sa pagkapanalo ko sa lotto. Di ko po inasahan na sa ganitong panahon ko mapapanalunan ang jackpot, tamang-tama magpapasko pa yun. Hindi ko po maipaliwanag ang aking nararamdaman," aniya.

Plano umano niyang gamitin ang premyong napanalunan sa pagtulong sa kapwa at pagpapalago ng kanyang negosyo.

Magtatabi rin umano siya para sa kinabukasan ng kanilang pamilya.

“Sa totoo lang po, naging maayos naman po ang naging takbo ng buhay ko. Nakita ko ang pangangailangan ng aking mga kababayan at napagpasyahan ko po na unahing ipantulong ang makukuha kong premyo mula sa lotto. Ipagpapatuloy ko rin at palalaguin ang aking mga negosyo at syempre mag-iipon para sa kinabukasan ng aking pamilya," aniya.

Pinayuhan rin ng lotto winner ang gaming public na patuloy na tangkilikin ang mga palaro ng PCSO.

“Payo ko lang po sa mga katulad ko na tumatangkilik sa mga palaro ng PCSO ay ipagpatuloy lang ang kanilang pagtaya sa lotto dahil hindi natin alam kung kailan darating ang ating swerte. Ang bawat perang ginagamit natin sa pagtangkilik ng lotto ay napupunta din sa mga programa ng PCSO para sa mga nangangailangan nating kababayan," aniya pa.