Libre ang pagpaparehistro sa Globe website
Pinapayuhan ng Globe ang mga kostumer nito na umiwas sa mga nag-aalok ng tulong online para sa pagpaparehistro ng mga SIM at huwag magbigay ng ano mang personal na impormasyon para maprotektahan ang kanilang data security at privacy.
Kasalukuyang kumakalat sa social media ang posts ng mga indibidwal na nag-ooffer ng kanilang serbisyo, libre man o may bayad, para sa SIM registration. Humihing9 sila ng pangalan, larawan, valid ID, kaarawan, cellphone number, at address ng kanilang inaalokan.
Nagpapaalala ang Globe na ang mga sensitibong personal na impormasyon ay delikadong mapasakamay ng mga manloloko. Ito ay maaaring gamitin para nakawin ang identity ng tunay na may-ari upang magnakaw, mangutang, o gumawa ng iba pang krimen.
"Gusto naming paalalahanan ang aming mga customer na maging maingat sa ganyang mga uri ng mga alok at gamitin lamang ang mga official channels para sa pagpaparehistro ng SIM," sabi ni Irish Salandanan-Almeida, Globe Chief Privacy Officer. "Mahalaga ang inyong personal na impormasyon at hinihikayat namin kayo na protektahan ito mula sa mga taong gustong gamitin ito para sa mga masamang layunin."
Libre ang pagpaparehistro ng SIM sa https://new.globe.com.ph. Bago matapos ang Enero, maaari na ring gamitin ang GlobeOne app para sa SIM registration. Kung kinakailangan ng tulong para makapagrehistro, lumapit lamang sa mga mapagkakatiwalaang kamag-anak o kaibigan.
Mula Pebrero 2023 naman, magkakaroon din ng assisted registration sites ang Globe para sa mga senior citizen, mga taong may kapansanan, mgabuntis, at mga may-ari ng basic o feature phones.
Mayroong 87.9 milyong SIMs sa ilalim ng Globe network. Sa ngayon, mahigit sa 7 milyon ang nakaparehistro na.
Para mas maging accessible at convenient ang proseso ng pagpaparehistro ng SIM para sa lahat, hinihikayat ng Globe ang mga customer na gamitin ang iba’t-ibang channels. Kailangan ding matapos ang pagpaparehistro bago ang deadline sa Abril 26, 2023 para hindi ma-deactivate ang SIM.
Layon ng SIM Registration Act na pigilan ang fraudulent activities at iba pang krimen na naglipana dahil dati ay maaaring gamitin ang SIM ng walang pagkakakilanlan.
Bisitahin ang www.globe.com.ph para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Globe.