Ipinaliwanag ni GMA headwriter at manunulat ng hit fantasy-drama series na "Maria Clara at Ibarra" na si Suzette Doctolero ang trending na episode nitong #MCIDingginNiyoKami matapos magbigay ng reaksiyon dito ang isang retiradong propesor ng "Literary Criticism".

Nag-post tungkol sa kaniyang "pagkabagabag" sa naturang episode si Dr. Lakandupil Garcia, dating nagtuturo ng 'Literary Criticism' sa undergraduate at graduate program ng De La Salle University-Dasmariñas, Cavite at Far Eastern University sa Maynila. Aktibo rin siya sa iba't ibang mga samahan o organisasyong pangwika at pampanitikan at nagbibigay ng seminar sa mga guro at dalubguro ng wika at panitikan. 

Retiradong propesor ng 'literary criticism', naglabas ng saloobin sa trending episode ng MCI

Ayon kay Doctolero, ang MCAI ay "reimagined" at hindi pagtatangkang baguhin ang nilalaman ng nobela ni Dr. Jose Rizal.

"Ang Maria Clara at Ibarra ay reimagined, mula sa mga nobela ni Rizal. At dahil may disruptor na nakapasok sa kwento, si Klay, kaya may mga mababago talaga siya."

"Gaya sa nagbagong mind set ni Maria Clara, na hindi na babaing sunud-sunuran na lang (na siyang gusto ko rin talagang gawin, noon pa hahaha). At marami pang iba..(at may mga darating pang iba)."

Sa palagay ng manunulat, kung babangon man mula sa kaniyang himlayan ang may-akda (gaya ng nasabi rin ng retiradong propesor), hindi umano magagalit sa kanila ang pambansang bayani.

"Pero magagalit ba si Dr. Jose Rizal?"

"Babangon ba’t kami ay aawayin?"

"Sa palagay ko ay hindi."

"Kaya walang dapat ipag-alala…"

"Kasi hindi namin binago kailanman ang diwa’t esensyang mapagpalayang tema ng libro. At sa halip ay itinanghal pa.

Gaya sa pinag-uusapang speech ni Ibarra noong nakaraang ep, bagamat hindi iyan naganap sa nobela pero hindi imposibleng mangyari… given the characterization of Ibarra."

"Isa pa, kung aanalisahin lang sana, hindi ba’t ang laman ng speech ni Ibarra ay siya mismong buod at buong diwa ng Noli? Hindi ba’t ang kanser ng lipunan ay mula rin naman kay Rizal? Kaya bakit magagalit ang dakilang bayani, kung itinampok pa nga’t inilapit ng MCAI sa puso ng mga makabagong Pilipino ang kanyang mga libro?"

"Sa ganitong punto, baka dapat ang ibang guro ay maging bukas rin… ? Lumabas sa kahon at tanggapin na ang manunulat ay nagkukuwento at nagdidiskurso ng mga paksa, hindi page by page lifted from the original source, kundi sa simple at malikhaing paraan para higit na mauunawaan ng manonood ang mga ideya, nang hindi kauumayan at kababagutan ang kwento?"

"Baka may matutunan lang rin ang ibang mga guro, para ang ibang mag aaral ay tunay na magka-interes muli na basahin ang libro (at huwag gayahin si Klay na nandaya lang haha)."

Mensahe niya sa retiradong propesor, "Kami ay manunulat, sir, hindi namin trabaho ang tungkulin ninyo na ituro ang Noli at Fili sa mga bata. Kaya huwag kaming panagutin, kung ika ninyo ay baka may mga batang mag-akala na ang MCAI mismo ang tunay na laman ng Noli at Fili. Ang pagtuturo at pagtutuwid ukol riyan ay… trabaho ninyo."

"Ang aming tungkulin ay iinspire ang mga tao, na magka-interes muli na balikan at basahin ang mga akda ni Rizal… at 'yan sa palagay ko ay amin namang nagampanan."

"Hindi rin ako kaaway, nagbibigay linaw at paliwanag lang."

"Magandang umaga sa inyong lahat!"

Samantala, nagpasalamat naman ang manunulat sa historyador at propesor ng kasaysayan na si Xiao Chua sa magandang reaksiyong ibinigay nito patungkol sa palabas. Ibinahagi ni Doctolero ang ulat ng Balita Online tungkol dito.

Wala pang direktang post, reaksiyon, o pahayag ang retiradong propesor hinggil sa naging tugon ni Doctolero. Nakipag-ugnayan ang Balita Online sa kaniya, at sinabi nitong bilang propesor, alam niya ang estilo nilang manunulat. Ang hangad lamang daw niya ay ang maingat na pagtuturo at pag-unawa ng obra ni Rizal, sa panig naman ng mga guro.

Dagdag pa niya, naghahangad din sana siyang magkaharap sila ng manunulat sa isang "right forum" o harapan upang magkaroon ng diskurso tungkol dito.

Si Garcia ay nagbigay na rin ng kaniyang saloobin noon patungkol sa kainitan ng isyu hinggil sa pagpapalit ng pangalan ng bansa. Aniya, ang pagsulong na tawaging "Filipinas" ang "Pilipinas" ay paurong, sapagkat bumabalik lamang daw ang bansa sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol, ayon sa panayam sa kaniya ni Prof. Winnie Monsod.