Mahigit P1.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat mula sa limang indibidwal sa isinagawang buy-bust operation ng Marikina City Police (CPS) sa Barangay Concepcion Uno, Marikina City noong Martes, Enero 10.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina alyas “Mark”, 26; "Ton", 45; “Aya”, 32; walang trabaho, lahat mula sa Marikina City; alyas “Ci”, 31, mula sa San Mateo, Rizal; at isang menor de edad.

Lumabas sa imbestigasyon na inaresto ang mga suspek sa No. 8 4th Street, Goodrich Village, Bgry. Conception Uno bandang 9:30 p.m., Martes. Isinagawa ang buy-bust operation sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 165 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng P1,112,000.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dinala ang mga suspek, isa sa mga ito ay babae, sa tanggapan ng Marikina CPS para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon. Kalaunan ay itinurn-over sila sa Eastern Police District (EPD) Forensic Unit para sa drug testing.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang apat na suspek, sabi ng pulisya.

Ang menor de edad ay inilagay sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development, dagdag nito.

Aaron Homer Dioquino