Umarangkada na nitong Miyerkules ang nationwide simultaneous special satellite registration for persons deprived of liberty (PDLs) na ikinasa ng Commission on Elections (Comelec) para sa nalalapit na pagdaraos ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Isinagawa ang pagrerehistro sa lahat ng jail facilities at detention centers, na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Corrections (BuCor) at ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Nagsagawa rin ang Comelec ng ceremonial kick-off ng event sa National Bilibid Prisons (NBP) Compound sa Muntinlupa City dakong alas-7:00 ng umaga, kung saan mayroong kabuuang 3,015 ang kabuuang bilang ng mga PDLs na magpaparehistro.

Bukod sa NBP, nagsagawa rin ng voter registration para sa PDLs sa Correctional Institution for Women, Leyte Regional Prison, Davao Prison and Penal Farm, Zamboanga Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm, at sa Sablayan Prison and Penal Farm.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, itong darating na halalan ang unang pagkakataon na makapagrerehistro silang muli ng mga PDLs matapos ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema.

Binigyang-diin ni Garcia na ang mga PDLs ay may karapatan ding makapaghalal ng kanilang mga napipisil na lider, bilang mga mamamayan ng bansa.

Matatandaang una nang binawi ng Korte Suprema ang temporary restraining order noong 2016 sa resolusyon ng Comelec para makapagrehistro at makaboto ang mga PDL.