Hinikayat ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes, Enero 10, ang publiko na magtungo na sa mga local Comelec offices at satellite registration sites sa mga malls upang magparehistro para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hanggang nitong Lunes, Enero 9, 2023, ay nasa halos 400,000 pa lamang ang nagparehistro para sa eleksyon.
Wala pa aniya ito sa kalahati ng 1.5 hanggang 2 milyong bagong registrants na target nilang mairehistro mula Disyembre 12, 2022 hanggang Enero 31, 2023.
Maaaring dulot na rin aniya ito ng mañana habit ng mga Pinoy.
"So far po hanggang kahapon, kulang-kulang na 400,000 pa lamang ang nagpaparehistro na ating kababayan. Ang atin pong expectation sana mula December 12 hanggang sa katapusan nitong January ay makapagparehistro tayo ng 1.5 to 2 million voters subalit ganyan pa lang karami ang nagpaparehistro," ani Garcia, sa isang panayam.
"Pasensya na po pero kalimitan po talaga 'yung ating ugali, ugaling Pilipino na 'Bukas na. Bukas na. May panahon pa naman.' Hanggang sa mga iilang araw na lang, saka tayo magmamadali," aniya pa.
Umaasa naman si Garcia na sa mga susunod na araw hanggang sa matapos ang buwang ito ay mas darami pa ang mga kababayan nating magpaparehistro para sa susunod na halalan.
Paalala pa niya sa publiko, ang pagpaparehistro ay obligasyon at ang pagboto ay karapatan ng bawat mamamayan.
"Alam ninyo po, tatandaan po ng bawat isa sa atin, ang pagpaparehistro ay obligasyon ang pagboto karapatan po 'yan," ani Garcia.Sinabi pa ni Garcia na sa ngayon ay hindi pa ikinukonsidera ng Comelec ang pagpapalawig sa voter registration na nakatakdang magtapos ngayong buwan.
Samantala, bukod sa rehistruhan ng mga botante, sinabi ni Garcia na tuluy-tuloy pa rin ang pilot implementation ng kanilang Register Anywhere Project (RAP) tuwing weekend sa ilang piling malls.
Nitong Martes, lumagda na rin si Garcia ng memorandum of understanding (MOU) sa Government Service Insurance System (GSIS) General Manager Jose Arnulfo "Wick" Veloso para sa paglulunsad ng RAP sa GSIS Complex.
Nakatakda rin umano nilang ilunsad ang RAP sa Senate of the Philippines sa Enero 25 upang mas marami pang mga government workers ang makapagrehistro sa Comelec.
Ani Garcia, maaari rin nilang palawakin pa ang RAP sa lahat ng rehiyon sa bansa ngunit depende ito resulta ng isinasagawa nilang pilot implementation.
Masaya namang ibinalita ni Garcia na napakaganda ng initial findings sa RAP lalo na at nabibigyan nito ng pag-asa ang mga kababayan natin na hindi makapagparehistro sa kanilang mga probinsiya dahil hindi sila makauwi doon.
Ang RAP ay sinimulan noong Disyembre 17, 2022 at magtatagal hanggang sa Enero 25, 2023 lamang.