Okay lang daw na makipag-live in ang isang "Gen Z," ayon kay Irish Tan. Taliwas ito sa naging pahayag ng kaniyang ex-boyfriend na si Xian Gaza.
Matatandaang sinabi ni Gaza na huwag na huwag umano makipag-live in ang mga kabataan dahil wala raw itong magandang maidudulot sa isipan at pagkatao.
“Kung lumabas ito sa news feed mo at isa kang Generation Z, gusto ko lang sabihin sayo na kahit anong mangyari eh huwag na huwag ka makikipag-live in sa murang edad,” saad ni Gaza sa kaniyang Facebook account.
“Wala itong magandang maidudulot sa iyong isipan at pagkatao. It will do more harm than good. Kahit pa magkaanak kayo, huwag! May tamang panahon para diyan. Take it from a guy na nakipag-live in sa edad na 19,” dagdag pa nito.
Para kay Tan, okay lang makipag-live in basta't may pahintulot ng magulang o gabay ng nakatatanda.
Nilinaw naman niya na hindi niya sinasabing tamang mabuntis nang maaga at makipag-live in.
"Kung lumabas to sa news feed mo at isa kang gen z gusto ko lang sabihin sainyo na okay lang makipag live in. Hindi ko sinasabi na tama mabuntis ng maaga at makipag live. As long na may pahintulot ng magulang or gabay ng nakakatanda ay okay lang makipag live in," saad ni Tan sa kaniyang Facebook post nitong Enero 10.
Lahad pa ni Tan, ituring daw na blessing kung nabuntis nang maaga ang isang kabataang babae.
"Mabuntis ng maaga? Blessing yan, tanggapin mo. May tamang panahon para jan? E napaaga yung nakatakda sayo, tanggapin mo bigay yan sayo ng lumalang satin. Blessing yan, hindi yan ibibigay sayo kung alam ng lumalang satin na hindi mo kaya," aniya.
"Hindi naman nasusukat sa edad ang lawak ng pag iisip natin at yung tinawag na maturity. Karamihan naman satin nakikipag live in din at nabubuntis. Napaaaga lang yung iba.
"Ang mahalaga, tamang gabay ng magulang, lawak ng pang unawa at higit sa lahat wag kang gagawa ng masama para sa salapi, wag mang scam, or mag nakaw.. from there giginhawa ang buhay mo at lalo ka pag papalain," dagdag pa niya.
Naging maingay ang pangalan ni Tan at Gaza sa social media kamakailan matapos ang panayam ng huli sa “Exclusive Tell-All Interview” ng social media personality at content creator na si Chino Liu o mas kilalang ‘Krissy Achino’
Diretsahang inamin ni Gaza na ginamit niya umano ang ex-girlfriend.Aminado siya na wala umano siya sa tamang pag-iisip dahil sa tinataguang warrant of arrest noon– na naging dahilan ng kaniyang depresiyon.
“Wala sa tamang hulog ang pag-iisip ko that time, nilalamon ako ng depresyon. Imagine pugante ako nagtatago ako sa Pilipinas dahil mayroon akong warrant of arrest tapos walang-wala ka sa buhay. So yung line of thinking ko that time hindi talaga tama,” anito
“I cheated on her tapos ginamit ko rin siya, aminado ako,” diretsahang sagot ni Gaza.
Gayunman, maanghang na sinagot ni Tan ang naging pahayag ng dating nobyo hinggil sa panggagamit umano sa kaniya nito.
Sey ni Tan sa kaniyang Facebook post, “inuto-uto mo ako, wala naman akong ibang mali dito. Ang mali ko lang ay nagmahal ako, naniwala ako sayo. Siguro may sira yung ulo ko hindi ko alam kung bakit nagtiwala ako sayo.”
“Nanggaling na sa bibig mo, ginamit mo ako. HIndi ko maisip kung saan mo hinuhugot yung sinabi mong minahal mo ako. Unang-una walang pagmamahal na naganap dito galing na nga sayo, ‘ginamit mo lang ako.’ anito