“Cooking Ina niyo, engaged na!”
Busog na busog sa kilig ang netizens matapos ibahagi ni Rezie Hazel Añonuevo o mas kilala bilang si “Cooking Ina” sa kaniyang Facebook page na Hazel Cheffy, ang pag-propose ng kaniyang jowa na si Jerome Ledesma.
Makikita sa video na masayang kinantahan ng happy birthday song ang jowa nitong si Jerome, walang kaalam-alam si Chef Hazel na iyon rin pala ang araw na mag-propose ang jowa niya sa kaniya.
Naibahagi rin niya sa kaniyang Facebook page kung anong sangkap o effort ang ginawa ng kaniyang jowa para makuha ulit ang napakatamis niyang 'Oo'.
Aniya, "Matagal akong hindi nag-open sa public ng lovelife ko, dahil ‘yon sa dami ng mga maling desisyon ko dati at paulit-ulit na balikan-hiwalayan naming dalawa."
"Hindi pa ako kilala nung naghiwalay kami last 2020 isang taon kaming walang connection at nag-focus ako sa vlogging career ko. Tas After a year, na-hacked yung page ko at to the rescue sya para mag pa-pogi at bawiin sa mga hackers ang page ko hanggang sa nag dere-deretcho na ulit yung communication namin at nauwi na nga sa pagiging marupok ulit. Sinabi ko sa sarili ko, Ay! hinding-hindi na ‘ko magiging open book pagdating sa lovelife ko pag nagbalikan kami dahil wala namang nagbabago sa sistema namin parang fling fling lang. Hanggang dumating na ‘tong araw na to syet, finally, nag proposed na! Walong taon na paghihintay na akala ko hindi na mangyayari, sa wakas PINAGALAW NA ANG BASO!," dagdag pa niya.
Naikuwento noon ni Chef Hazel sa interbyu sa kaniya ng “Megabites”, na hindi niya akalaing mapupunta siya sa ‘vlogging career o isang food content creator’ dahil hilig lamang nito na kuhanan ng litrato ang mga kinakain niya at i-post ito sa kaniyang social media.
“Hindi ako mahiyain, pero hindi ko talaga in-expect na magiging social media influencer o food content creator ako. Dati pa, hilig ko na ang mag-picture ng pagkain kapag kumakain kami sa labas o kapag nagluluto ako. Ipo-post ko sa social media, at nakakatuwa dahil maraming nag-iinteract. Noon pa man, ginagamit ko na yung #HazelCheffy,” pagbabahagi niya.
“Sabi ng mga nag-comment, ‘Hazel, ang sarap naman ng mga niluluto mo. May recipe ka ba?’ So from there, naisip ko na puwede kong i-share ang recipe through vlogging. Nagsimula ako noong 2019. Sakto, nag-pandemic at lahat ng tao nahilig sa TikTok. Doon ko pinost yung niluto ko, tapos — boom!,” dagdag pa niya.
Itinuturo rin ni Chef Hazel sa kaniyang Tiktok account ang murang recipes para sa mga sikat na lutong Pinoy. Ang ‘Kare-Kare 3 Ways’ video sa Tiktok na may 300k views at 17.1k likes ang unang video na nagpasikat sa kaniya.