Sa hangaring mapababa ang tumataas na presyo ng mga sibuyas at matugunan ang agwat ng suplay sa bansa, inaprubahan na ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng 21,060 metriko tonelada (MT) ng sibuyas bago sumapit ang rurok ng panahon ng ani ng mga lokal na magsasaka.
Sa "Laging Handa" briefing nitong Martes, Enero 10, sinabi ni Agriculture deputy spokesperson Assistant Secretary Rex Estoperez na mag-aangkat lamang ang bansa ng 21,060 MT ng mga sibuyas, na mas mababa sa 22,000 MT na una nang iniulat.
Sinabi niya na ang merkado ay nangangailangan lamang ng 21,060 MT ng mga sibuyas upang punan ang kakulangan ng suplay. Mag-aangkat ang gobyerno ng 17,100 metriko tonelada ng pulang sibuyas, at 3,960 metriko tonelada ng dilaw na sibuyas.
““[M]ust arrive siya dapat hindi lumagpas sa Jan. 27 na ang ating rekomendasyon ay end of this month or not to exceed the first week of February. Dapat na dumating po ang sibuyas na ating import bago po mag-peak harvest ang ating onion growers," aniya.
Ang timeline na itinakda ng DA para sa pagdating ng mga imported na sibuyas ay naglalayong protektahan ang lokal na ani ng mga nagtatanim ng sibuyas ay inaasahang tataas sa kalagitnaan ng Pebrero at Mayo, paliwanag ni Estoperez.
Ayon sa deputy spokesperson, nilagdaan na ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban ang liham na naka-address sa mga onion importers na lisensyado ng Department of Trade and Industry (DTI). Ang paksa ng liham ay "pag-isyu ng sanitary at phytosanitary import clearance para sa pag-aangkat ng sariwang dilaw at sariwang pulang sibuyas."
Sinabi ng agriculture department na inaasahan na aabot sa P150 hanggang P200 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa kasagsagan ng panahon ng ani ng mga lokal na nagtatanim ng sibuyas.
Una rito, inamin ng DA na nawalan ng kontrol ang presyo ng sibuyas sa bansa, at sinabing ang pag-aangkat ng sibuyas ang tanging solusyon upang mapababa ang tumataas na presyo nito sa mga pamilihan.
Ayon sa monitoring ng departamento, hindi bumababa ang farmgate price ng sibuyas.
Itinaas ng DA ang suggested retail price (SRP) ng pulang sibuyas sa P250 noong Disyembre 30, 2022. Gayunpaman, ang pagtaas na ito ay mas mababa pa rin kaysa sa kasalukuyang presyo ng pulang sibuyas, na iniulat na P720 kada kilo sa ilang pamilihan.
Jel Santos