Usap-usapan ngayon ang tsikang kagaya raw ng pelikulang "My Teacher" na kalahok sa 2022 Metro Manila Film Festival ay hindi raw gaanong mabilis ang bentahan ng ticket para sa 20th anniversary concert ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga-Soriano.
Kahit ang batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin ay nagtataka rin kung bakit hindi umalagwa sa takilya ang kaniyang pelikula gayong inaasahan pa naman daw na susuporta sa kaniya ang 31 milyong bumoto sa kaniyang ninong at inendorsong si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., na naging dahilan din kung bakit siya na-cancel nang bonggang-bongga ng mga Kakampink noong kasagsagan ng kampanya.
Sey pa naman daw ng mister ni Toni na si Direk Paul Soriano, siya raw ang maituturing na "most powerful celebrity" sa kasalukuyan. So nasaan na raw ang sinasabing "power" kung sa pelikula pa lamang ay ni hindi umano ito nakapasok sa top 4 highest-grossing film ng MMFF?
Ayon pa sa mga lumabas na ulat, may nakakita raw sa ina nina Toni at Alex Gonzaga na si Mommy Pinty Gonzaga na bumili umano ng 500 piraso ng tiket sa venue nitong Smart Araneta Coliseum. Si Mommy Pinty ay talent manager ni Toni at isa sa mga producer ng concert, kasama si Joed Serrano.
Sey naman ng mga netizen, tila wrong timing daw ang petsa ng event dahil katatapos lamang ang malalang gastusin ng mga netizen sa nagdaang holiday season; isa pa, sumasabay pa ang mataas na presyo ng mga bilihin.
Mababasa naman ang pagbibigay-pugay ni Alex sa kaniyang ate sa Instagram, kung saan, sinariwa nito ang mga panahong nagsisimula pa lamang sila sa showbiz.
Anyway, wala pang tugon o pahayag ang kampo ni Toni tungkol sa isyu.