‘'Bahay na, pang-travel pa!’'
Viral ngayon ang nakamamanghang likha ni Francis Cañaveral Amoroso, mula sa Dasmariñas Cavite, matapos niyang ibahagi sa kaniyang Tiktok account ang ideyang ‘bahay-jeep’ – isang jeep na sa halip na dalawang mahabang bangko para sa mga pasahero, ito ay may kama, maliit na kusina, upuan, at comfort room.
Ang pagkahilig niya sa pag-travel at panonood niya ng mga video tungkol sa ‘van life’ ang naging inspirasyon niya sa paggawa ng ‘bahay-jeep’. Naikuwento rin niya na mas mura ang jeep kaysa bumili pa ng van o bagong sasakyan.
Aniya, “Yung inspirasyon talaga ng jeep o story ng jeep, bata pa lang ako talagang pangarap ko na ang mag-travel at malibot ang buong mundo, at gamit itong bahay-jeep ikutin ko muna yung buong Pilipinas. Mahilig din akong manood ng ‘van life’ sa ibang bansa o yung bus na ginawang bahay. So, dito sa Pinas, naisip ko na bakit hindi pwedeng gawin yung jeep mas maraming available at mura siya kaysa bumili ng bagong sasakyan o bus.”
Nasimulan na nila ang paglilibot noong Mayo 2022 sa Bicol, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Quezon Province, Batangas, Maragondon, at Naic Cavite, gamit lamang ang bahay-jeep.
Ayon sa kaniya, “Nagsimula kaming bumiyahe-biyahe noong May nag-Bicol kami, pumunta rin kami sa Sorsogon, Albay, Camarines Sur at Quezon Province. Pagbalik namin sa Cavite, nag Batangas kami, Maragondon at Naic. Siguro yung CALABARZON muna ang uunahin naming na pupuntahan.”
Naikuwento rin niya na hindi umano maiwasan ang mga challenge sa pagkakaroon ng bahay-jeep at sa paglilibot, dahil sa gastos sa gasolina at ang maintenance nito.
“Yung challenges na naranasan namin sa bahay-jeep ay yung gasolina, siguro dahil mas malaki siya kumpara sa ordinaryong sasakyan kaya mas malakas siya mag konsumo ng gasolina. At sa amin kasi, ako, wala pa akong masyadong alam sa pagmemekaniko, ‘yan minsan ang naging problema namin, dapat yung kasama naming sa jeep o driver naming ay marunong tumingin sa ilaw, wirings o kaya kung masiraan man yung sasakyan dapat papaano meron siyang solusyon. Hindi rin mawawala yung challenge sa paghahanap ng parking,” paglalarawan niya.
Dagdag pa niya, sa pag-customize at presyo ng jeep ay hindi lalagpas ng 600k ang nagastos niya.
“Yung nagastos namin sa paggawa ng jeep, umabot ng 200k na siguro, yung paglagay ng kwarto, Kusina, CR, sala, makina, wirings at kasama yung maintenance. Ang presyo ng jeep ay nagkakahalaga ng 300K,” pagbabahagi niya.
Maraming netizens ang natuwa at na-inspired sa ideyang ibinahagi ni Francis. Sey ng mga netizens na magandang konsepto ito upang simulan nila ang pang-travel.