Mahigit 600 indibidwal ang pinagkalooban ng tulong medikal ng Department of Health (DOH) habang mahigit 500 naman ang natulungan ng Philippine Red Cross (PRC), sa paggunita ng pista ng Nazareno nitong Lunes, Enero 9.

Sa Traslacion 2023 situational report na inilabas ng DOH, nabatid na mula Enero 6 hanggang ala-1:00 ng hapon ng Enero 9, 2023, kabuuang 642 konsultasyon ang naisagawa ng DOH.

“In summary, from January 6 to 9, 2023, a total of 642 consultations were reported, managed and addressed from the days of preparation to the celebration of the Feast of the Black Nazarene,” anang DOH.

Sa naturang bilang, apat ang naospital, kabilang ang tatlong na-discharged na habang isa ang nananatili pang under observation.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Nasa 577 sa mga ito ang dumanas ng cardio related cases, gaya ng hypertension, hypotension, chest pain, blood pressure monitoring at iba pa habang nasa 43 naman ang trauma-related o nagtamo ng sugat, lacerations at iba pa.

Nasa 10 naman ang itinuturing na neurological related gaya ng pananakit ng ulo, pagkahilo at iba pa; walo ang respiratory related o nakaranas ng hirap sa paghinga, pagkakaroon ng asthma at iba pa at apat ang gastro related gaya ng pananakit ng tiyan, pagkakaroon ng loose bowel movement (LBM) at iba pa.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng DOH na patuloy silang nagpapatupad ng aktibong monitoring sa sitwasyon, at mayroon din silang mga karagdagang health operating units na nakaantabay sakaling kailanganin ang mga ito.

Samantala, sa datos naman ng PRC, iniulat nito na hanggang alas-12:00 ng tanghali ng Enero 9, ay nasa 552 pasyente na ang napagkalooban nila ng medical assistance.

Kabilang anila dito ang isang senior citizen na dumalo ng banal na misa sa Quiapo Shrine at isinugod sa PRC Emergency Medical Unit tent matapos na mahilo.

Nang suriin, natuklasang ang pasyente ay may low blood pressure at may mataas na pulse rate kaya’t kaagad na binigyan ng paunang lunas.