Naging matagumpay ang pagdaraos ng pista ng Poong Itim na Nazareno nitong Lunes, na dinagsa ng daan-daang libong deboto.

Batay sa crowd estimate ng Quiapo Church Operation Center, hanggang alas-2:00 ng hapon ng Enero 9 ay aabot na sa 246,250 ang mga debotong nagtungo sa Quiapo Church habang nasa 122,160 ang mga taong nagpunta sa Quirino Grandstand.

Inaasahan namang madaragdagan pa ang bilang ng mga naturang deboto na patuloy pang nagdadatingan sa Quiapo Church habang isinusulat ang balitang ito.

Naging mapayapa rin naman sa pangkalahatan ang pagdiriwang at walang naiulat na anumang criminal activity.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kahit naman wala ang tradisyunal na ‘pahalik’ at walang ‘Traslacion’ ngayong taon bilang bahagi ng pag-iingat ng pamahalaan at ng Simbahang Katolika laban sa pagkalat ng COVID-19, kuntento pa rin naman ang mga deboto sa naganap na selebrasyon dahil naipakita pa rin nila ang kanilang debosyon sa Poong Nazareno.

Matatandaang sa halip na magdaos ng Traslacion, nagsagawa na lamang ang Quiapo Church ng ‘Walk of Faith,’ na dinaluhan ng may 90,000 deboto.

Sa halip rin na magdaos ng ‘pahalik,’ nagsagawa ng ‘pagpupugay’ ang simbahan, kung saan ang mga deboto ay pinapayagang mag-venerate at hawakan ang imahe ng Poong Itim na Nazareno.

Mas dinagdagan na lamang ng Quiapo church ang mga idinaos na hourly masses upang mas maraming deboto ang makadalo dito.

Sa banal na misa na idinaos sa Quirino Grandstand, sinabi ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na batid niyang nalulungkot ang mga deboto dahil sa hindi pa rin naidaraos ang Traslacion ngayong taon.

Pinaalalahanan ruin niya ang mga deboto na si Hesukristo ay palagi namang nasa buhay ng bawat Kristiyano at hindi kung panahon ng Traslacion lamang.

“Ang Traslacion ay hindi lang taon-taon kundi araw-araw na karanasan sapagkat ang Mahal na Poong Hesus Nazareno ang Siyang nagpuprusisyon sa atin. Kaisa natin Siya upang makapag-Traslacion patungo sa tagumpay ng kaganapan ng buhay,” anang Cardinal sa kanyang homiliya.

Samantala, itinuturing naman ni Quiapo Church spokesperson Fr. Earl Allyson Valdez na matagumpay sa kabuuang ang pagdiriwang.

“Lahat po, lalung-lalo na 'yung ating mga kaganapan sa Quirino Grandstand, sa Simbahan ng Quiapo simula pa nung ika-7 ng Enero, ay successful. Masasabi po namin na naabot natin ang layunin natin na magkaroon ng makabuluhan at ligtas na pagdiriwang para sa ating mga deboto,” aniya, sa panayam sa radyo.

“Wala tayong na-report na security threats. Wala tayong na-report na untoward incidents na nakagulo sa mga pagdiriwang. Kaya sa kabuuan, kami ay natutuwang sabihin sa inyo na naging matagumpay po ang ating Nazareno 2023,” aniya pa.