Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP)-Anti Cybercrime Group ang pinagmulan ng isang social media post na nagsasabing naka-full alert status ang pulisya dahil sa umano'y tangkang destabilisasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, mananagot sa batas ang sinumang mapatutunayang nagpakalat ng maling impormasyon.
Muling nilinaw ni Fajardo na naka-hightenedalert ang PNP dahil sa religious activity sa bansa, tulad ng pista ng Poong Itim na Nazareno, Pista ng Sto. Niño at iba pa, gayundin sa patuloy na pagbabalik sa Metro Manila ng iba pang mga nagbakasyon at nagdiwang ng Pasko at Bagong Taon sa iba't ibang probinsya.
Matatandaan nitong Sabado ay kumalat sa social media ang pekeng memorandum ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., at pirmado ng isang PLt. Col. Dexter Ominga, mula sa PNP Regional Office sa Cordillera.
Ayon sa memo,pinaghahandaang mga tauhan ng PNP kasunod ng umano'y pagbibitiw sa puwesto ng mga tauhan ng Department of National Defense (DND).