Nanawagan ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka na bawasan ang presyo ng kanilang sibuyas sa gitna ng kakulangan ng suplay nito.

Sinabi ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, naglalaro pa rin sa ₱500 hanggang ₱600 ang kada kilo ng sibuyas sa mga pamilihan.

Resulta aniya ito ng mas mataas na farmgate price ng produkto.

"Yan po ang isa sa ating ikinababahala kaya tayo po ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa ating mga farmers kasi farmgate pa rin po ang sinasabi ng ating mga tindera, mahal daw po ang bagsak sa kanila. Kailangan po natin matulungan ang mga magsasaka na ibaba ito," pagdidiin ni Evangelista sa isang television interview nitong Lunes.

National

Dr. Edsel Salvana, nakatanggap ng 'Innovation Excellence Award for Research' mula sa PhilDev

Kumpiyansa rin si Evangelista na magkaroon ng ginhawa sa presyo ng sibuyas sa mga susunod na linggo dahil sa pagsisimula ng anihan sa kalagitnaan ng Enero.

Sa ngayon aniya, pinalalakas muna ng ahensya ang "Kadiwa on wheels" o mga Kadiwa store upang mabigyan ng alternatibong bilihan ng abot-kayang presyo ng mga gulay, kabilang na ang sibuyas.

Kamakailan, isinapubliko ng ahensya na aangkat ng sibuyas ang gobyerno upang mapababa ang presyo nito sa merkado.

Inaasahang darating sa bansa ang mga imported na sibuyas sa huling linggo ng Enero o Pebrero.