Patay ang isang rider nang mabangga ng isang pampasaherong jeepney na na-flat-an ng gulong at tuluy-tuloy na bumangga sa lobby ng isang pagamutan sa Sta. Ana, Manila nitong Linggo ng umaga, na nagresulta rin sa pagkasugat ng guard on duty doon.
Dead on the spot ang biktimang si Noe Ocenar Abaigar, motorcycle rider, dahil sa matinding pinsalang tinamo sa kanyang ulo habang sugatan naman ang guwardiya ng Trinity Women and Children Hospital na si Marvin Pelaez.
Samantala, arestado naman ang driver ng pampasaherong jeepney (OSC-553) na nakilalang si Ronaldo Fanis.
Batay sa ulat ng Sta. Ana Police Station (PS-6) ng Manila Police District (MPD), dakong alas-10:35 ng umaga nang maganap ang aksidente sa tapat ng naturang pagamutan sa New Panaderos St., sa Sta. Ana.
Sa imbestigasyon ni PMSg Jhon Mark Estrada, nabatid na bago ang aksidente ay bumibiyahe umano ang naturang jeepney na minamaneho ni Fanis patungong Pedro Gil St. sa Sta. Ana nang bigla na lang sumabog at ma-flat ang gulong nito.
Dahil dito, nagpagewang-gewang ang sasakyan at nawalan ng kontrol ang driver.
Nabangga pa ng jeep si Abaigar na sakay ng kanyang motorsiklo, bago tuluyang pumasok sa lobby ng pagamutan, kung saan naman naroroon ang naka-duty na si Pelaez, na nagtamo rin ng sugat sa kanyang katawan.
Si Fanis ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury and damage to properties sa piskalya.