Ibinalik muli sa ₱600 ang kada kilo ng sibuyas sa Balintawak Market sa Quezon City.
Sa pahayag ni Ibo Indicio, isa sa tindera sa isang talipapa sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City, tumaas ng ₱50 ang presyo ng sibuyas dahil ₱550 ang dating bigayan nito.
Idinahilan aniya ng mga negosyante sa Balintawak ang kakulangan ng suplay nito at mataas na alok sa kanila ng mga supplier.
Sinabi pa ni Indicio na paunahan na lang ang pagbili ng sibuyas dahil kaagad itong nauubos sa mga puwesto sa Balintawak.
Nauna nang tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na aangkat ang pamahalaan ng 22,000 metriko tonelada ng sibuyas upang bumaba na ang presyo nito sa merkado.
"Dapat dumating ang mga aangkating sibuyas sa unang linggo ng Pebrero o huling linggo ng Enero para mapababa ang presyo ng sibuyas," pahayag ni DA deputy spokesman Rex Estoperez nitong Sabado.