Aliw na aliw ang mga netizen sa video ng pagpapatulog ng isang ina sa kaniyang baby, dahil halos "performance level" ang ipinamalas nito, kaiba sa karaniwang "lullaby" o oyayi na mahina at kalmado lamang.

Ayon sa kapatid at uploader ng video na si "Jayvee Almazan", bumanat ng awiting "Yesterday Once More" ng Carpenters, ang ate niyang si Kat Hill Breeze upang patulugin ang kaniyang pamangking si "Katalia Chiang Kai Li" na nagdiriwang ng ikaapat na buwan ngayong araw, Enero 8.

Ipinamalas ni Kat ang angking-husay sa pag-awit, at take note, naka-microphone pa! Kitang-kita namang nakatitig ang kaniyang baby sa umaawit na ina.

Maya-maya, namumungay na ang mga mata nito hudyat na inaantok na.

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

"Sana ganito lahat ng mommy magpatulog di yung may hawak na hanger," pabirong caption ni Jayvee.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.

"Ganito pala magpatulog ng bata hahaha, alam na namin sa susunod."

"Ganyan din ako dati ah. Concert pa nga habang nasa duyan, pero di na keri, sa hanger na sila nakakatulog."

"Sana all GANYAN kaganda boses, ako kasi pag kumanta nagigising lahat ng tulog na kapitbahay ko sabay bato sa bahay ko hahaha."

"Ganyan na ganyan ako with mic talaga kaya walang problema lalo sa mga mommy na mahilig kumanta kahit maingay at malakas ang sounds tulog na tulog si baby ko nakatitig muna maya-maya lang tulog na at ang himbing pa kahit birit na birit ka pa."

Ayon sa panayam ng Balita Online kay Jayvee, dati raw nagtatrabaho bilang band singer sa mga hotel ang kaniyang Ate Kat. Taga-Batangas daw sila subalit ngayon ay naninirahan na sa Singapore ang kaniyang kapatid.

"Dati po syang band singer, tapos sa mga hotels po. Pahinga po siya noong nagka-baby," paliwanag pa ni Jayvee.

Sa ngayon ay umabot na sa 2.3M views at counting ang naturang video.