Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Linggo na bumaba pa sa 5.7% ang positivity rate ng COVID-19 sa Pilipinas.

Base sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na ang naturang 5.7% nationwide COVID-19 positivity rate ay naitala nitong Enero 7, 2023 lamang.

Bahagya itong mas mababa kumpara sa 5.9% nationwide COVID-19 positivity rate na naitala naman noong Enero 6, 2023.

Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, iniulat rin naman ni David na nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 752 bagong COVID-19 cases nitong Sabado, sanhi upang umabot na ang aktibong kaso ng sakit sa kabuuang 12,518.

Nakapagtala rin naman ang bansa ng 10 bagong pasyente na namatay dahil sa sakit, sanhi upang umabot na sa 65,464 ang total COVID-19 deaths sa bansa.

Mayroon rin namang 277 bagong recoveries o gumaling sa karamdaman kaya’t ang Pilipinas ay mayroong nang 3,989,188 total COVID-19 recoveries.

Ani David, kung magtutuluy-tuloy ang trend na ito, maaaring makapagtala ang DOH ng 350 hanggang 450 bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa ngayong Linggo, Enero 8.

“Jan 7 2023 DOH reported 752 new cases 10 deaths (5 in NCR) 277 recoveries 12518 active cases. 5.7% nationwide positivity rate. 259 cases in NCR. Projecting 350-450 new cases on 1.8.23,” tweet pa ni David.

Samantala, sa hiwalay namang datos na inilabas rin ni David nitong Linggo, nabatid na nananatiling ang National Capital Region (NCR) pa rin rehiyon na may pinakamaraming kaso ng sakit na naitala nitong Sabado, sa bilang na 259.

Sinundan ito ng Cavite na may 47; Isabela na may 34; Rizal na may 29; Batangas at Laguna na may tig-25; Cagayan na may 23; Bulacan na may 22; Cebu, Davao del Sur at Negros Occidental na may tig-18; Iloilo na may 15; Pampanga na may 14; Tarlac na may 13; Ilocos Norte at Nueva Ecija na may tig-11; Nueva Vizcaya na may 10; Pangasinan na may 9 at Cotabato na may 8.