Tinatayang nasa 83,000 deboto ng Itim na Nazareno ang nakiisa umano sa isinagawang "Walk of Faith" nitong Linggo ng madaling-araw, Enero 8, kaugnay ng pagdiriwang sa kapistahan nito.
Ayon sa pagtataya ng Quiapo Church Command Post, ang naturang libong katao ay naglakad mula sa mga lansangan ng Katigbak Road, Padre Burgos Street, Jones Bridge, Dasmariñas Street, Sta. Cruz, Palanca Street, Quezon Boulevard, Arlegui Street, P. Casal Street, Concepcion Street, Carcer Street, Hidalgo Street, Bilibid Viejo/ G. Puyat Street, Guzman Street, Hidalgo Street, Quezon Boulevard, Palanca Street, hanggang Villalobos Street.
Ang naturang Walk of Faith ang pumalit sa taunan at nakagisnang "Traslacion", na ipinagpaliban muna upang masunod ang safety at health protocols, dahil may banta pa rin ng Covid-19.
Nakiisa rin sa paglalakad si Manila Mayor Honey Lacuna.
Nakasunod umano ang ilang miyembro ng pulisya sa mga deboto upang matiyak ang kanilang seguridad.
Bukas ng Lunes, Enero 9, ay idineklarang special non-working holiday sa lungsod ng Maynila kaugnay ng kapistahan.