Naharang ng mga awtoridad ang ₱13.8 milyong halaga ng illegal drugs nang tangkaing ipuslit sa bansa na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang babae sa Pasay City kamakailan.
Sa pahayag ng Bureau of Customs (BOC) nitong Enero 8, nasamsam ng mga tauhan ng BOC-Port of Clark, Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA),ang nasabing shabu sa ikinasang controlled delivery operation sa Pasay na ikinaaresto ng dalawang babaeng tumanggap ng package.
Hindi na muna isinapubliko ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek habang isinasailalim sa imbestigasyon ang kaso.
Binanggit sa report na dumating sa bansa ang package na idineklarang naglalaman ng "microserver double stainless ceramic" mula Bangkok, Thailand nitong Enero 2.
Gayunman, nagduda ang mga awtoridad sa laman nito matapos isailalim sa X-ray scanning.
Nang buksan, naglalaman ito ng apat na sports jugs kung saan nakatago ang shabu na nakabalot pa ng aluminum foil.
Dahil dito, nagsagawa kaagad ng operasyon ang mga awtoridad laban sa dalawang claimants.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa dalawang suspek.