Kung trending gabi-gabi ang bawat episode ng fantasy-drama series na "Maria Clara at Ibarra" ng GMA Network na pagsasabuhay ng walang kamatayang nobela ni Dr. Jose Rizal na "Noli Me Tangere", mas lalong pinag-usapan ang episode nitong gabi ng Biyernes, Enero 6, dahil sa "pagtindig" ng ilang mga karakter para dinggin ang pagkakamit ng hustisyang panlipunan.
Ayon sa itinatakbo ngayon ng kuwento, may ilang detalye sa Noli ang "nabago" ni Klay, ang karakter na ginagampanan ni Barbie Forteza, na siyang representasyon ng kasalukuyang panahon at kabataang nakapasok sa mundo ng naturang nobela.
Makikitang isa-isang nanindigan sa pagbabagong panlipunan ang mga karakter ng nobela/serye na sina Crisostomo Ibarra, Maria Clara, Pilosopo Tasyo, Elias, maging ang mga dagdag na karakter gaya nina Klay, Fidel, at iba pa.
Mas lalo pang pinag-usapan ang caption ng Facebook page ng GMA Drama.
"Ang mga namulat ay hindi na muling pipikit. ✊ #MariaClaraAtIbarra #MCIDingginNiyoKami," ayon sa caption.
Maging ang tweet ni "Maria Clara" na ginagampanan ng actress-singer na si Julie Anne San Jose ay naging usap-usapan din.
"Titindig at di na muling pipikit lesgoooooo #MCIDingginNiyoKami," aniya.
Anang mga netizen, napapanahon ang ipinamamalas ng serye dahil hanggang ngayon, hindi pa tuluyang gumagaling ang "kanser ng lipunan" na sinikap ilantad at salingin ni Rizal; nagkakaiba sa panahon subalit pareho lamang ng mukha.
Looking forward ang mga manonood sa lalo pang tumitinding mga eksena at tagpo sa MCI dahil tatawid na umano ang kuwento sa pangalawang nobela at sequel ng Noli---Ang El Filibusterismo.