Matapos ang kaniyang pinag-usapang Facebook post tungkol sa "balik-trabaho" matapos ang holiday season, binabansagan ngayon ang social media personality at aktres na si Donnalyn Bartolome bilang "patron saint of labor and employment".
Ibinabahagi ngayon sa iba't ibang social media pages ang lumang litrato ni Donnalyn habang nakasuot ng puting gown at may putong na korona sa kaniyang ulo. Biro ng mga netizen, kapag tinatamad o wala sa mood pumasok sa trabaho, "magdasal" lamang daw kay Donnalyn.
Narito ang ilan sa mga posts:
"St. Donnalyn Bartolome, Patron Saint of Labor and Employment, hindi po kami karapat-dapat na magreklamo sa trabaho, ngunit sa isang post mo lamang, ay sisipagin na ako. (467.95 minimum wage)."
"Si Donnalyn 'feeling lucky' Bartolome patron saint of labor and employment ay napaka-down to earth talaga mga ka-eme hahaha."
"Sorry pero ang funny talaga huhuhu hahahaha donnalyn work for us."
"Hayan naging meme tuloy siya..."
"Saint Donnalyn Bartolome, pray for us…"
Upang ipaliwanag ang kaniyang panig, naglabas ng isa pang Facebook post si Donnalyn upang ibahaging alam niya ang kaniyang mga sinasabi dahil minsan na rin siyang nagtrabaho at nahirapan noong mga panahong nag-aaral pa siya sa kolehiyo at nagtatrabaho na sa showbiz.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Donnalyn tungkol dito.