Nagpahayag ng kaniyang kasiyahan si Department of Justice Secretary Crispin Remulla matapos maabsuwelto ng isang korte sa Las Piñas ang kaniyang anak na si Juanito Jose Remulla III, sa kasong illegal drug possession matapos itong madakip ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group noong Oktubre 2022, na nasa ilalim ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakatanggap umano ng isang package na naglalaman ng 900 gramo ng high-grade marijuana na nagkakahalagang ₱1.3M. Alinsunod sa korte, wala umanong sapat na ebidensyang nagpapatunay na aware si Remulla III hinggil sa nilalaman ng naturang package.
"He had the right to be presumed innocent in the first place, I am just glad justice is served,” pahayag ni Remulla sa panayam ng reporters nitong hapon ng Biyernes, Enero 6.
Nilinaw rin ng DOJ Secretary na wala siyang "pinanghimasukan" sa naging proseso ng korte. Si LasPiñas City Regional Trial Court (RTC) Branch 197 Judge Ricardo Moldez II ang humawak ng kaso at nagpawalang-sala sa kaniyang anak.
Natanong din si Remulla kung may balak ba siyang ikaso sa PDEA dahil sa mga nangyari.
“Wala, wala, let us be sober about it. Nagkakamali rin sila, nangyayari talaga iyon,” ani Remulla.