Nakuha ng mga awtoridad ang bangkay na isang 11-anyos na lalaki nitong Biyernes ng gabi, Enero 6, ilang oras matapos itong malunod sa isang creek sa Quezon City.

Nagpadala ng team ang Quezon City Police District (QCPD) La Loma Police Station matapos makatanggap ng tawag dakong 8:35 ng gabi tungkol sa insidente ng pagkalunod na kinasasangkutan ng apat na menor de edad sa isang creek sa G. Araneta Avenue malapit sa N.S. Amoranto Street sa Quezon City.

Ayon sa ulat, narescue ng QC Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang dalawa sa menor de edad na may edad na 15 at 17, at sila'y nasa maayos nang kalagayan.

Dakong 11:50 pm naman, natagpuang patay ang naturang 11-anyos sa isang creek sa ilalim ng basura.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Samantala, hindi natagpuan ang isa pang batang lalaking may edad na 12.  

Ayon sa awtoridad kinailangang itigil pansamantala ang rescue operation para linisin muna ang creek. Anila magiging mahirap daw sa mga diver na hanapin ang nawawalang biktima dahil sa dami ng basura.

Nagsagawa naman ng follow-up search and retrieval operation  ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard Special Operations Group (PCG-SOG) nitong Sabado, Enero 7.

Nagdala na rin ng equipment at tatlong dump trucks ang PCG-SOG at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para tanggalin ang mga basura sa creek at patuloy ang paghahanap sa nawawalang bata.

Diann Calucin