CAMP DANGWA, Benguet – Suportado ng Police Regional Office-Cordillera ang panawagan ni Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. para sa lahat ng police generals at colonels na magsumite ng courtesy resignation para malinis ang kanilang hanay sa mga sangkot umano sa ilegal na droga.

“We support and we accept the challenge na mag-tender ng courtesy resignation," ito ang naging pahayag ni Brig. Gen. Mafelino Bazar, regional director ng Police Regional Office-Cordillera, noong Enero 6.

Nilagdaan na ni Bazar ang kaniyang courtesy resignation letter noong Biyernes 6 at ipapadala kay Pangulong Bongbong Marcos at. Sec. Abalos.

Ayon kay Bazar, may kabuuang 18 high ranking officials ng PROCOR ang kasama sa courtesy resignation, na kinabibilangan ng dalawang Brigadier General at 16 na Colonel.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Umayon din ang PRO-Cordillera sa pagtatalaga kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang miyembro ng Committee of Five.

Ang panel ay nilikha upang magsagawa ng masusing evaluation at assessment sa mahigit 950 PNP colonels at heneral na inaasahang magsumite ng courtesy resignations.

“Maganda kung kasama si Mayor Benjamin Magalong sa mag-evaluate at assessment sa amin.Alam naman natin ang background at character niya as former PNP," ani Bazar.

Aniya, walang magiging epekto sa patuloy na serbisyo sa peace order ng pulisya, dahil i-evaluate pa naman yung mga courtesy resignation at status quo muna ang kanilang mga position.

“Ang maipagmamalaki lamang natin dito ay mabansagan tayong Home of Disciplined Cops ang Cordillera at kung sa illegal drugs ay napakaliit lamang at isyu sa marijuana plantation ay lagi nating inaaksyunan,” pahayag pa ni Bazar.