Hindi sinuspindi ng pamunuan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang reserve import ng Bay Area Dragons na si Myles Powell at kakamping si Hayden Blankley matapos nilang tirahin sa social media ang liga matapos matalo ang koponan laban sa Ginebra sa Game 3 ng kanilang Finals series nitong Miyerkules.

Gayunman, sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial, pinagmulta ng liga ang dalawang manlalaro.

Aabot sa P100,000 ang multa ni Powell habang si Blankley ay binigyan ng multa na P75,000.

Sinabi ni Marcial, ipinatawag niya sa kanyang tanggapan ang dalawang manlalaro nitong Huwebes ng hapon upang magpaliwanag sa usapin.

National

Kahit nagpapagaling: Doc Willie Ong, pinapanalanging maging maayos na sina PBBM at VP Sara

Humingi na aniya ng paumanhin sina Powell at Blankley kaugnay ng insidente.

Nag-ugat ang usapin sa social media post ni Blankley kung saan nanawagan ito sa mga reperi na maging "patas sa laro" at hindi pa nakuntento, tinawag pang "luto" ang Game 3 kung saan sila natalo ng Gin Kings, 89-82.

Sa pamamagitan naman ng kanyang Twitter account, nagpahayag naman ng pagkadismaya si Powell sa naging resulta ng laro kung saan sinabing tinawagan ng 28 fouls ang Bay Area kumpara sa 12 lamangng Ginebra.

Kinuwestiyon din ni Powell ang nakuhang 38 na free throws ng Gin Kings kumpara sa 10 lang ng Bay Area Dragons kung saan mistula umanong pinanigan ng mga reperi ang kalaban nilang koponan.

Sa Biyernes, Enero 6, magtatapat muli ang dalawang koponan para sa Game 4.