Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes na 55% porsyento nang mas mataas ang mga naitala nilang fireworks-related injuries (FWRI) o nabiktima ng paputok sa bansa sa pagsalubong sa Taong 2023, kumpara noong nakaraang taon.
Sa inilabas na surveillance report ng DOH, nabatid na mula Disyembre 21, 2022 hanggang Enero 5, 2023, umaabot na sa kabuuang 291 ang fireworks-related injuries na kanilang naitala matapos na madagdagan pa ng 14 na kaso hanggang alas-6:00 ng umaga nitong Huwebes.
Anang DOH, ito ay mas mataas ng 55% kumpara sa 188 kaso lamang sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Sa 291 kaso, nabatid na 290 ang nasugatan dahil sa paputok habang isa naman ang tinamaan ng stray bullet.
Ang National Capital Region (NCR) pa rin ang nakapagtala ng pinakamaraming biktima ng paputok na umabot na sa 136.
Sumunod naman ang Western Visayas (33 kaso); Ilocos Region (29); Central Luzon (24); Calabarzon (15); Bicol Region (13); Cagayan Valley (10); Central Visayas (8); Soccsksargen (7); Mimaropa at Cordillera Administrative Region (tig-4); Northern Mindanao (3); Davao Region (2) at Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Bangsamoro Region (tig-1).
Sa mga biktima, 105 ang nasugatan sa kamay, 80 ang nasugatan sa mata, 39 ang nasugatan sa ulo, 37 ang nasugatan sa hita at 33 ang nasugatan sa braso o punong braso.
Ang 18 sa kanila ay nagtamo naman ng blast/burn na may amputation o kinailangang putulan ng bahagi ng katawan.
Ang mga paputok na nangunguna pa ring dahilan nang pagkasugat ng mga biktima ay kwitis, boga, 5-star, at fountain.
Wala pa namang iniulat na fireworks ingestion o nasawi dahil sa paputok.