Tiyak na ipinagmamalaki ngayon ng kaniyang mga magulang, guro, kaanak, kamag-aaral, at mga kakilala ang 9 na taong gulang na si Ashnor Abbas Cadato, isang Grade 3 pupil mula sa Sto. Niño Central Elementary School, Talaingod District, Davao Del Norte, matapos niyang isauli ang napulot na envelope na naglalaman ng pera, na pagmamay-ari pala ng isang guro.

Ayon sa Facebook page ng "DepEd Philippines", kasama umano ni Ashnor ang kaniyang inang si Asleah nang maispatan nila ang naturang envelope na nasa sahig ng North Davao Electric Cooperative (NORDECO) Office sa Tagum City, Davao del Norte kahapon ng Miyerkules, Enero 4, 2023.

Nang makita nila ang laman ng sobre, agad na nakita ng dalawa ang lamang pera na mula umano sa Service Recognition Incentive ng gurong si Oliva Alimes Pelias ng Pandulian Elementary School in Kapalong East District.

Napag-alamang ang guro ay isang cancer survivor.

Human-Interest

AI software na detector ng bara sa puso, inimbento ng Grade 11 students

Ayon sa panayam, hindi umano makapaniwala si Teacher Olivia na maibabalik pa sa kaniya ang pera.

"First and foremost, walang kalalagyan na saya ang aking nararamdaman. Sobrang blessed dahil sa mga kamay na nakapulot ng aking pera. At this hard time, hindi ko lubos akalaing maibalik pa sa akin nang buo ang perang nalaglag ko kahapon."

"God is so good dahil wala akong stress at pressure na naramdaman kahapon dahil pinaubaya Niya ito sa isang mabuting kamay. Isa akong cancer survivor na madaling makaranas ng stress at pressure, ni isang katiting na pag-alala wala akong naramdaman."

"Napalaki ng magulang ang isang bata sa pagiging matapat. Values integration in school was instilled in the heart and mind of the Grade 3 boy. Sobrang proud ako sa mag-ina," anang guro.

“Para sa mga guro huwag tayong mapagod magturo ng mga values education to our young learners. Maraming, maraming salamat sa mag-inang Asleah Abbas Cadato at Ashnor Cadato. God Bless you more and more," dagdag pa niya.

Proud na proud naman umano ang ina ni Ashnor na si Ashlea dahil sa kabutihan ng puso ng kaniyang anak, sa murang edad pa lamang nito.